tanong
January 16, 2010Paano ko ba sasabihin na sana kaibigan pa rin kita? Paano ko ipapaalam na gusto ko lang ay kalimutan kung saan naging mali ang lahat sa pagitan nating dalawa?
Gusto kong ibalik ang panahon at pagkakataon na masaya tayong dalawa. Yung mga panahon na pinagtatawanan mo ako at pinagtatawanan kita. Yung mga panahon na pwede akong magtanong kung kumusta ka na. At yung mga panahon na hindi mo alam kung ano ang mga pinagdaanan ko sa kanya.
Gusto ko pa yung mga panahon na pwede tayong magsabay sa pagkain. Sa pagkanta. Sa pagtawa. Yung pwede kitang isama kahit saan. Yung mga panahon na nagtatanong ang lahat kung ano bang meron tayo pero wala lang tayong pakialam kase wala naman talaga.
Namimiss kong maging kaibigan ka. Pero hindi naman pwede dahil ayaw mo (yata). Minsan naisip ko, ang damot damot mo. Pero minsan naisip ko rin makasarili ako. Gusto kong maintindihan kung bakit nagkamali ang mga emosyon. Sana hindi na lang tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata. Sana hindi na lang ako nasaktan at sana hindi ka na lang nagtanong kung bakit ako nasasaktan. Sana nung araw na yon, hindi tayo nagkasabay. At sana hindi ko na lang sinabi kung bakit ako malungkot. Sana hindi ka na lang nakinig. Sana hindi mo na lang ako pinansin.
Pero tapos na. Nangyari na. Ayaw ko na ring umasa na magiging kaibigan pa kita. Pero sana wag mo na ring iparamdam na iba ako. Sana totoong wala ka na talaga. Dahil habang lalo kang umiiwas, lalo ko lang nararamdaman ang pagkakaiba ko sa lahat ng tao sa mundong ginagalawan nating dalawa.



