pagsubok
June 28, 2008Mahirap maipit sa gitna ng dalawang pader na sa tuwina’y ginagawa kong sandalan (sa magka-ibang pagkakataon). Hindi pisikal ang pait at sakit. Baduy man pakinggan, tagos sa damdamin ang pait na dala ng pagsubok sa isang samahang aking minamahal.
Masakit sa puso ang bawa’t pagpatak ng luha mula sa matang nasaktan at nagpupuyos sa galit. Mali nga raw sabihin na nararamdaman mo ang nararamdaman ng isang tao sa mga panahong nasasaktan ang huli. Sabihin na natin na hindi ko nararamdaman ang nararamdaman niya sa mga panahong iyon pero nararamdaman ko kung paanong siya ay nasasaktan. Pero wala akong nasabi. Marahil dala ng gulat. Marahil hindi ko maisip ang tamang salita. Pero ang alam ko, gusto ko siyang payapain. Gusto kong pahupain ang halo halong emosyon sa puso niya.
Masakit sa puso ang madama kung paanong nasasaktan siya dahil sa isang desisyon, na hindi man pangit ang dahilan, ay nakapanakit sa damdamin ng isa. Minsan, kailangan siguro talaga nating masaktan o makapanakit ng ibang tao para matuto at tumayo sa anumang mga pagkakamali na hindi natin dapat pagsisihan.
Narito ako sa gitna ng dalawang pader. Nanghihinayang. Nasasaktan. Natatakot. Ngunit patuloy akong aasa na sa dulo ng lahat, magwawagi ang kapatawaran at pag-asa sa panibagong bukas. Patuloy akong maniniwala na ang isang pagkakaibigan, hindi man maibalik sa kung ano ang dati at una, ay maari pa ring simulan. Hanggang maghilom ang sugat. Hanggang mahawi ang madilim na ulap.



