sugat
February 19, 2008Malalim ang sugat na dala ng unos. Nahawi man ng bahaghari ang sakit, may mga tinik na patuloy at paulit-ulit na tumatarak sa lupang nasugatan. Sa bawat paghinga ng langit, iniinda ng lupa ang sakit.
Malupit ang langit. Mapaghiganti. Sarado ang puso sa sinag ng mapagpalayang araw. Tinatalikuran maging ang mga kislap ng mga talang dumurungaw.
Masagana ang pagsasamang sinimulan. Mabunga ang mga puno sa kabundukan. Katamtaman ang patak ng ulan. Nabuhay ang langit na kaulayaw ang lupang mapagbigay. Namuhay ang lupa na payapa sa ilalim ng pangangalaga ng langit na mapagmahal.
Lumipas ang mga araw. Naging abala ang langit sa pangangalaga sa maraming bagay. Hindi inalintana ang lupa na kuntentong namumuhay. Naging madalang ang patak ng ulan. Naging madalang ang bugso ng liwanag.
Lumipas ang mga araw. Napika ang lupa sa pagdaramdam. Natunaw sa katubigan. Tumigas sa kainitan. Kumawala. Pansamantalang nagkubli sa ilalim ng mga berdeng pananim. Nagnais mag-isip. Nagnais ng payapang kalooban. Ngunit napadaan sa matinik na parte ng kabundukan.
Nagalit ang langit. Nagalit ang lupa. Nagsabong ang ulan at putik. Inagos ng galit ang mga pananim. Nawasak ang kabundukan. Bumaha sa lupa. Dumilim sa langit.
Dumating ang bukas.Unti-unting nagliwanag ang langit.Unti-unting nagparaya ang lupa.Wala na ang unos. Payapa na ang paligid.
Subalit patuloy ang pagsakit ng mga sugat.
Sa t’wing nagagalit ang langit. Sa t’wing lumuluha ang lupa.



